Elehiya Para Sa Namatay Kong Pag-ibig
Modernong Sining mula kay Neil Kilby |
Lubos kong hindi inaasahan ang kaniyang pagpanaw. Nang huli kaming nagkausap sinambit niya na lalaban pa siya at handa niyang tiisin ang lahat ng sakit. Pinaalalahanan ko siya. "Hindi habang buhay kaya mong kumapit sa mga tangkay na may tinik," ngunit nabighani siya ng mga rosas, kung kaya't hindi niya ito alintana.
Kita ko sa kaniyang mga mata ang ligaya na hatid ng rosas. Marami man ang bulaklak sa hardin, mas pinili niya ang mga ito. Rosas na kailanman hindi siya ang pinili. Ngunit hindi pa rin niya ito alintana.
Ilang araw ang lumipas, namumuti na ang kaniyang mga labi. Sabik sa halik, uhaw sa pag-ibig. Muli ko siyang tinanong, "Anupa'y patuloy kang kumakapit?". Muli, sinambit niya ang hatid na halimuyak ng rosas.
Ang bangong minsan ay gabi-gabi niyang sinusundan. Hindi siya makahakbang ngunit hindi niya hinangad na lumayo. Mas pinili niya ang manatili. Manatili sa mga yakap na tanging braso lamang niya ang nakapulupot. Mga halik na tanging labi niya lamang ang nakadikit. Mas pinili niya ang mga pilit na ngiti, mga halakhak na napapangibabawan ng katahimikan.
Alam kong wala na siyang lakas. At wala na siyang ilalakas pa. Ngunit sa mismong oras na pinili niya ang tunay na kaligayahan huli na ang lahat. Dapat pala ay hindi ako sumabay sa pagod, patuloy dapat ako na nagpaalala. Hindi ko dapat siyang hinayaan na lumaban ng walang sandata kundi puso. Pusong sa mga oras na iyon nawalan na ng tibok; ng mga dugong patuloy na padadaluyin sa mga ugat nito.
Sayang ang mga panahon na sana ay mas makabuluhan, ngunit hindi ka sayang. Dahil nakita ko, kasabay ng kaniyang pagpikit ay ang tunay na ngiti. May pumatak mang mga luha ngunit wala ni bahid ng bakas ng pagsisisi. Masaya siya sa desisyon na kaniyang ginawa; desisyong tanging tanga lamang ang may lakas-loob na gumawa, ngunit kahit kailan hindi niya ito inalintana.
Sapagkat sa pag-ibig hindi mahalaga ang sakit, mas mahalaga ang maligaya.
- 2Pen
Comments
Post a Comment