Ang Buwan at Ang Araw


Katulad ng langit sa gabi, 
isa ka sa mga nagniningning na bituin.
Hindi ikaw ang pinakamakinang sa lahat,
ngunit nakuha mo ang aking pansin.

Gabi-gabi akong nag-aabang,
hindi alintana ang hamog,
sapagkat ang gaya mong espesyal na tanawin, 
ay hindi dapat na pinalalampas.

Sa samu't saring kuwentong aking narinig,
sa kuwento ng iyong rikit ako lalong napa-ibig.
mga ngiting sintamis ng rosas sa hardin;
tinig na kayang amuhin lahat ng bituin.

Pagpasensyahan mo na ang aking pagpapantansya,
marahil dahil sa imahinasyon lamang posible ang mga ito.
Kailanma'y hindi pa tayo nagtatagpo,
ayaw nang tadhana, ikaw sa aki'y inilalayo.

Kung mabasa mo ito, gusto kong magpaalam.
Magpaalam na ibigin kita kahit sa aking puso, 
Magpaalam dahil kailangan ko nang lumayo.
Baliktarin man natin ang pagkakataon,
patuloy itong hindi sasang-ayon.

Dahil gaya ng araw at buwan, 
ang pagningning mo ang siyang paglubog ko.
Naisin ko mang liwanagan ang dilim, 
hindi maari sapagkat nakatakda kang lumiwanag sa iba.

Hayaan mong ang hangin ang maghatid
ng aking bawat mensahe ng pag-ibig,
at hahayaan ko ang bahagharing magsilbing
sagot mo ng 'mahal din kita'.

- 2Pen

Comments

Popular Posts