Bulag, Pipi at Bingi: Nabulag, Napipi at Nabingi


Katahimikan.
Kadiliman. 

Kung ating pag-iibigan ang pag-uusapan, hindi ako mamimili. 

Hindi ako tutulad sa iba na mas nanaisin ang mamuhay sa dilim, sapagkat tinig ng kanilang kabiyak ang liwanag ng buhay nila. 

Hindi ko tutularan yaong mas nanaisin ang walang marinig, sapagkat ganda ng bawat sisilay na ngiti naman ang sa kanila'y mahalaga. 

Marahil ikaw ay hindi rin pipili. 
Sapagkat kita ko ang pag-ibig sa iyong mata tuwing titingin ka sa akin, at sa bawat bulong ko ng 'mahal kita' alam kong hindi ka magbibingi-bingihan. 

Alam kong nanaisin mong marinig ang bawat sumpa ko ng pag-ibig, at alam ko ring handa mong pasikatin ang araw makita lamang kung paano ko ito sasambitin. 

Sapagkat, ganiyan ako sa iyo. 

Hindi ko pinalalampas ang bawat pagkakataon na ika'y matitigan. 
Ang mahalin bawat detalye ng iyong mukha, at pagnilayan kung gaano ka kaperpekto at kung gaano ako pinagpala.

Gusto kong naririnig ang bawat pagtawag mo sa akin ipaalam sa iyo
kung paanong ipinagpalit ko ang pinakamagagandang musika kapalit ng tawa mong daig pa ang kundiman; na kahit sa gitna ng ingay, iyong tinig ang nangingibabaw sa lahat. 

Hanggang sa isang araw nabulag at nabingi ka. 
Nakikita mo ako ngunit mas pinipili mong huwag akong tignan. 
Tinanong kita kung anong problema, ngunit hindi mo ako pinakikinggan.
Nangungusap ang iyong mga kilos ngunit hindi ka makapagsalita. 

May naalaala ako. Sana noong umpisa pa lang ay namili na ako.  

Sana pinili ko ang kadiliman, upang hindi ko na nasaksihan pa ang iyong pagluha at paglayo. 
Sana pinili ko ang katahimikan, upang hindi ako gabi-gabing binabangungot ng iyong hikbi at pagsara ng pinto. 

Pero hindi naman ako nagkamali ng pinili. Nagkamali ako sa akala kong pinili mo rin. 

Ngayon ko lang napagtanto. Hindi ka namili ngunit naghangad ka ng higit pa.

Hindi ngiti ko ang nais mong masilayan.
Hindi ako ang bubulong ng 'mahal kita' na nais mong marinig. 
Hindi sa akin magmumula ang sumpa ng pag-ibig na aabangan mo. 
Hindi mo sa akin pasisikatin ang araw.

Sayang, 
binulag ako ng pag-ibig mo;
biningi ako ng iyong mga pangako;
na kahit sa liwanag, pinagninilayan ko ang iyong ganda at kung gaano ako ipinagpala;
na kahit sa katahimikan, tinig mo pa rin ang nangingibabaw sa lahat. 

- 2Pen

Comments

Popular Posts