ANG WALANG HANGGAN AT BAKIT HINDI LAHAT UMAABOT DITO


"Sabi mo walang hanggan pero, ito tayo, sa dulo."

Ano bang sobrang hirap at hindi maabot itong walang hanggan? Mahal naman natin ang isa't isa pero ni minsan, hindi natin ito nakamtan. Ang bawat pag-ibig ay parang pelikula, laging may pagtatapos, na kinakapos, sa credits. 

Pero ano nga ba ang walang hanggan? Anong meron sa walang hanggan? Anong hitsura ng walang hanggan? At ganoon na lamang kung habulin nating lahat ito. 

Maaaring ang walang hanggan ay nasa harap mo; baka kakasalubong mo lang sa daan; kaaabot mo lang ng bayad niya sa jeep. Baka ang walang hanggan ay tao. Baka tao ang gumagawa ng walang hanggan.

Maaari ring ang walang hanggan ay paraiso. Parang langit na mapayapa at puno ng tinig ng mga anghel; at ang anghel ay siya.

Maaaring isa itong isla sa gitna ng dagat ng libo-libo pang pag-ibig. Baka isa ito sa mga bituin sa kalawakan ng pangako at pagtangi. 

O baka wala naman talagang walang hanggan. Baka isa itong kawalan. Baka puno lang ito ng kadiliman. Baka wala naman talagang walang hanggan.

O kung mayroon nga, bakit ang hirap nitong abutin? Bakit kahit anong tamis ng pag-iibigan, hindi ito sapat pambili ng tiket sa tren? Bakit kahit anong kapit patuloy na nagbibitaw? Bakit kahit anong higpit ng yakap patuloy na mag-iisa, at nag-iisa ako ngayon dahil sa walang hanggan. 

Totoo ngang ang bawat walang hanggan ay paraisong nagsisimula sa dulo. Sana mas mabuting hindi na natin pinangarap ang makaraong dito. Ayokong sayangin ang bawat oras sa paglalakbay sa lugar na hindi ko naman alam kung nasaan. Ayaw kong ipangako sa iyo ang walang hanggan na baka wala naman. 

Pero tinangka ko pa ring abutin para sa iyo. At isa lang ang napagtanto ko. Alam ko na kung bakit hindi tayo umabot gaya ng karamihan. Hindi ka sumugal, hindi ka sumagwan. Hindi ka sumampa sa roro, sa bus, sa eroplano. Iniwan mo akong mag-isa sa himpapawid. 

Ngayon naiintindihan ko na. Ang walang hanggan ay hindi terminal na kailangan nating marating. Ang walang hanggan ay pabuya sa mga tunay na nagmamahalan at walang pekeng ngiti; sa mga determinado at patuloy na lumalaban sa kabila ng hapdi.

Minsan akong naglakbay at alam ko na kung paano ang pagpunta rito. Muli akong maglalakbay pabalik. Maghahanap ng isa pang manlalakbay. Pero tandaan mong mahal kita at maglalakbay at maglalakbay ako hanggang sa huli, hanggang sa maging isa kang manlalakbay, hanggang sa samahan mo akong muli. 

- 2Pen

Comments

Popular Posts