Musika at Pag-ibig


Ang mga pantig at titik ay sinimulan nating buuin
hanggang makabuo ito ng liriko.
Naghabi tayo ng iba't ibang tunog mula sa  maraming
instrumento at doon na nagsimula ang ritmo.
Tawag ng ilan dito ay pagmamahalan, pagsinta, pag-iibigan;
ngunit tinawag natin itong musika.

Musika na sumisimbolo sa pag-iisa, hindi ng mga nota at himno
kundi pag-iisa nating dalawa.
Ang bawat magkadikit na titik ay simbolo ng ating mga nagdaupang
mga palad habang naglalakad sa kawalan.
May pababa mang mga tunog, patuloy itong isasalba ng harmonya
ng pagbigkas ng 'mahal kita' at 'hindi kita iiwan'.

Sabay nating tinutugtog ang musika.
Mula paggising hanggang sa pagtulog, naroon tayong dalawa.
Masayang nagtatawanan kapiling ang mga notang tayo lang ang nakakaalam.
Maraming nagtangkang bumuo ng ibang musika,
ngunit itong atin ang pinakamaganda.

Sakto at payak ang tugma.
Napakasarap sa tainga ng puso.
Hinihingi na nga nila na ang papel pang-musika,
ngunit hindi natin ito ibinigay. Ipinagdamot natin ang sangkap.
Nais natin walang katulad.

Ngunit kagaya ng ibang musika, ito ay magtatapos.
Kahit anong haba dapat itong magtapos.
Hindi dahil walang tutugtog, kundi wala nang tutugtugin.
Naubusan tayo ng mga liriko.
Nagkaiba-iba ang himno at ritmo.
Hindi na magandang pakinggan, hindi na dapat pang marinig ang tunog.
Tunog ng sigawan, hidwaan. Tunog ng iyak ko at pagluha mo.
Hindi na ito musika ng pag-ibig. Baka hindi tayo dapat maging musikero.
Baka hindi tayo ang bagay na musikero.

- 2Pen



Comments

Popular Posts