Sa Seldang Tao ang Rehas


Inspired by Alex Tizon's article for The Atlantic about Lola Consiang entitled "My Family's Slave".

Sa taong naghudyat ng aking kaganapan bilang isang babae, kasabay ay ang hudyat ng katapusan ng sana'y malayang pamumuhay.
Gaya ng isang segunda-manong porselana, iniregalo ako bilang maging alipin.
Biningi ako ng mga pangakong na nanaisin mo ring marinig.
Kaya't kahit ilang kontinente ang aking lalakbayin, hindi na ako nagdalawang isip.

Sa bansa ng maraming bituin, hinalina ako ng naggagandahang liwasan.
Hindi ko man maintindihan ang karamihan sa kanila, balewala sapagkat nahalina ako sa ideya ng posibleng kita.

Sa parehong pamilya, namuhay akong parang walang ibang silbi kundi ang manilbihan.
Ni minsan hindi sumagi sa isip ko ang kung anong aking pwedeng maging.
Sapat na ito sa akin. Ginawa nila itong sapat sa akin.

Sa mismong araw na ako'y napawalang bisa, gaya naman ng nalumang porselana itinago ako sa mga magtatangkang mang-angkin.
Milya ang layo ko sa balay, isa akong napakikinabangang porselana; itatago kapag hinanap ng kolektor, at muling gagamitin paglisan nito.

Kinalakhan ako ng aking mga alaga, kinilala bilang kanilang ina-inahan.
Sa mga inosenteng ngiti ng supling nakadama ako ng kalakasan.
Kalakip ng kanilang paglaki ay mga araw na madadatnan, akong nag-iisang natutulog sa sulok.
O 'di kaya'y nakatutulugan ang aking tupiin.

Hindi ako kasambahay sapagkat hindi ako nakatikim ng salaping pambili ng aking bagong damit.
Gaya ng isang api, nagtiyaga akong suutin ang mga daster na nagmula pa sa Pampanga.
Maraming araw tinrato akong isang alipin, ngunit kailanman hindi ko nagawang tawaging selda ang tahanang tinatawag nila.

Hindi ko alam, ngunit hindi ako nagtangka pang pumanik pabalik sa balay.
Hindi ko na inisip ang sarili kong buhay.
Hindi ko alam bakit ako nakuntento.
Pero huwag kayong mag-alala,
sa mga kupas na litratong nasisilayan ngayon ng mundo, bakas ay nakahahawang ngiti.

Sa kabila ng pagtitiis,
ako ay maligaya.

- 2Pen


Comments

Popular Posts